Thursday, July 27, 2006

Kwentong Barbero

Dahil sa aking ka-badtripan sa bagyong glenda nuong nakaraang araw at hindi pagreply sa akin ng aking minamahal dahil sa Sun siya (connection => bagyo, walang araw, so walang signal..wahehe corny!!!) eh nagawa kong magikot-ikot sa National Bookstore. Habang ako'y nagiikot eh nasulyapan ko ang libro ni Bob Ong. Siya ang may likha ng Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino? Naaliw naman ako kaya binili ko na. Nakakatuwa ang librong yon, satirical ang dating niya. May kompilasyon duon ng mga essay ng mga dayuhan and pilipino kung ano ang tingin nila sa bansa. Sa aking pagbabasa ay medyo natamaan ako sa mga entry nila. Masakit mang isipin na ganun ang tingin nila sa tin pero ganun naman talaga tayo, kaya tanggapin na lang. Pero hindi naman ibig sabihin non na tanggapin na lang at ipagpatuloy ang mga ganung gawain, kundi wag na tayong magmagaling pa at ipagtanggol ang sarili at gumawa na lamang tayo ng paraan upang mabago ang ganung tingin sa atin. Isa lang naman talaga ang paraan sa pagunlad eh, kundi DISIPLINA. Katulad sa nakasaad sa libro, baliktad ang utak ng mga pilipino. Kapag sinabing tumawid sa footbridge, ang mga tao eh tatawid sa kalsada, 1.) wala kasing pulis, at minsan kahit na may pulis, 2.) nakakatamad umakyat sa footbridge. Ewan ko ba, tapos lahat isinisisi sa gobyerno! Ang isang bansa ay binubuo ng gobyerno at mamamayan. Meron tayong kanya-kanyang responsibilidad sa bansang ito. Hindi naman pwedeng magtrabaho lang ang gobyerno para sa atin, kelangan din nating gawin ang ating share kumbaga. Wala nga namang mangongotong kung walang magpapakotong, at wala silang kokotongin kung walang lumalabag sa batas. Lahat tayo ay may mga sariling pangangailangan at may mga temtasyon, kaya hindi rin natin sila masisisi. Simula ng pinanganak ako, may utang na ang Pilipinas, bakit hindi na lang tayo magtulungan upang mabayaran itong mga utang na to. Imbes nga naman na mabayaran ang mga utang, kahit na napakataas ng buwis ko na binabayaran ko ng tama, eh nadadagdagan pa. Kasi nga naman ang mga langis na kinukuha natin sa ibang bansa eh nauubos kaya nagtataas at kelangan din nating sumunod sa teknolohiya. Kung gusto naman nating magtipid ang bansa at wag nang bigyang daan ang teknolohiya, kawawa naman ang mga Pilipino kapag ihaharap sa dayuhan. O kaya wag na tayong magangkat ng langis, magkalesa at bike na lang tayo, kaso nga naman mabubulok ang gulay galing Baguio. Kaya gustuhin man natin o hindi, mangungutang talaga ang Pilipinas. Ang hirap kasi ang gusto ng mga tao, pagkaupo ng isang presidente ay uunlad na kaagad ang bansa. Aba, mahirap nga naman yon. Ang gusto ng mga tao eh walang kapintasan ang magiging presidente kahit konti at mayroong tinatawag na karisma. Eh bakit nanalo si PGMA? Kasi nandaya raw siya sa eleksyon. Eh kung nanalo ba si Fernando Poe, Jr. ay hindi rin ba siya ii-impeach? Kung masisigurado na hindi rin mapapatalsik sa pwesto si FPJ kung nanalo siya, siguro nga dapat talagang tanggalin sa pwesto si PGMA. Bakit hindi na lang pagbotohan ang mga dapat tumakbo sa eleksyon, tapos kapag napagbotohan na kung sino dapat ang isali sa eleksyon i-dry run muna, pagkatapos nun saka magbotohan ng permanenteng presidente. Kapag kaya ng presidente na disiplinahin ang bansa, tatanggalin siya. Kapag ang presidente naman makarisma, tatanggalin siya kasi karisma lang ang meron siya. Kapag "strategic" naman at minamarket ang bansa natin, tuta naman daw siya ng dayuhang bansa. Ano ba talaga ang gusto ng mga Pilipino. Siyempre lahat naman eh gusto yung "ideal," ideal boyfriend, ideal parents, ideal house. Siguro may "soul mate" din ang Pilipinas, at mahirap makahanap nun!!! At karamihan ng mga taong pilit na hinihintay ang soul mate niya, tumatandang dalaga at binata. Baka maging tumatandang bansa na rin tayo, kasi hindi natin mahintay na dumating ang "soul government" natin. Kaya kesa naman na tumandang bansa na lang tayo ng basta basta, eh tayo na lang ang dumisiplina sa ating mga sarili, para kahit papano, kahit hindi na natin makita ang soul government natin eh mayroon pa rin tayong marating. Madaling isulat pero mahirap gawin. Lahat ng nakasulat dito eh opinyon lamang ng isang empleyadong walang magawa sa opisina na nagawa na lahat ng pwede niyang gawin bilang empleyado, isama mo na rin na hindi ako masyadong nakakapagbasa ng dyaryo at nakakapanuod ng news. Balak ko na ring basahin ang nilalaman ng saligang batas.

No comments: